Red alert status sa bagyong Rosita inaasahang itataas ng NDRRMC ngayong araw

Inaasahang magtataas ng red alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw na ito sa inaasahang pagtama ng bagyong Rosita.

Ito ang inihayag ni NDRRMC Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad pagkatapos ng pre-disaster risk assesment meeting na isinagawa kahapon.

Mula kahapon ay nasa Blue Alert ang NDRRMC, habang patuloy na lumalakas ang bagyong Rosita na may lakas ng hanging 200kph, at tumatahak pa-kanluran na may bilis na 20 kilometro kada oras patungong Northern at Central Luzon.

Inaasahang magdadala ng moderate to heavy rainfall ang bagyong Rosita sa Central at Northern Luzon simula ngayong araw.

Sa PDRA meeting, nagbabala ang PAGASA na posibleng makaranas ng storm surge na may taas na tatlong hanggang dalawang metro sa mga baybayin ng Cagayan at Isabela; habang isa hanggang dalawang metro naman sa baybayin ng La Union, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte.

May panganib din sa posibleng mga landslides partikular sa Cordillera Administrative Region.

Inabisuhan ng NDRRMC ang mga local DRRMCs sa mga apektadong lugar na maging handa sa worst possible scenario at pinayuhan ang publiko na patuloy na mag-monitor sa latest weather bulletins ng PAGASA.  | ulat ni Leo Sarne