Recruitment ng NPA sa mga eskwelahan, matagal nang modus – PNP

Matagal nang modus ng New People’s Army (NPA) ang pagre-recruit ng mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson CSupt. Benigno Durana, kasunod ng pagbubunyag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Operations Brig. Gen. Antonio Parlade ng mga pangalan ng mga eskwelahan sa Metro Manila, kung saan aktibo ngayon ang pagre-recruit ng NPA para sa Red October ouster plot laban sa Pangulo.

Ayon kay Parlade ang mga paaralan ito ay ang UP Diliman, UP Manila, PUP Sta. Mesa, Ateneo, La Salle, UST, Adamson, FEU, UE Recto at UE Caloocan, Adamson, Emilio Aguinaldo College, Eulogio Amang Rodriguez (EARIST), San Beda, Lyceum, University of Makati, Caloocan City College, University of Manila, at Philippine Normal University.

Sinabi naman ni Durana na bagamat walang intelligence information ang PNP ukol sa ibinunyag ng AFP, kailangan pa rin mag-ingat ang mga estudyante at huwag magpapadala sa panlilinlang ng mga makakaliwang grupo.

Paalala ni Durana na maraming buhay na ng mga estudyante ang nasira dahil sa mga panlolokong ginagawa ng CPP-NPA.

Payo ni Durana sa mga estudyante, na mag-aral na lang ng mabuti alang-alang sa kanilang kinabukasan at laging maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa kanilang kapaligiran upang hindi mabiktima ng panlilinlang.  | ulat ni Leo Sarne