Recovery flights sa mga apektadong biyahe dulot ng bagyong Ursula, magpapatuloy hanggang ngayong araw

Magpapatuloy ang pagpapatupad ng recovery flights ng Cebu Pacific sa mga naapektuhang biyahe dulot ng bagyong Ursula hanggang ngayong araw.

Ayon kay Director for Corporate Communications Corporate Affairs Charo Logarta-Lagamon, maaaring magtungo sa website ng Cebu Pacific ang mga pasahero para i-retrieve ang naunang booking ng nakanselang flight.

Kung nais namang ilipat sa ibang araw ang scheduled flight, maaaring mag-rebook nang walang penalties sa loob ng 30-araw o di-kaya’y i-refund ang ticket.

Bagama’t balik-operasyon na ang domestic flights ng Kalibo International Airport kahapon, naka-monitor pa rin ang pamunuan ng airline company at nakikipag-ugnayan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Samantala, kinansela ng Skyjet at Cebgo ang biyahe patungong Batanes ngayong araw dahil sa masamang panahon.

Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), kanselado ang biyahe ng Skyjet sa Terminal 4 partikular ang flights M8 816 at 817 Manila-Basco-Manila, at Cebgo flights DG 6009 at 6010 Manila-Basco-Manila.