Records ng mga pulis na sangkot sa iligal na drug operations, nasa kamay na ng DOJ

Hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang 52 case records ng mga pulis kaugnay sa anti-illegal drugs operations.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra sa Review Panel at UN Joint Program on Human Rights, sinabi nito na itinurn-over na ng Philippine National Police (PNP) sa DOJ ang files ng kaso na inimbestigahan ng kanilang Internal Affairs Service.

Nabatid na sa nasabing mga kaso ay nakitaan ng pananagutan laban sa daan-daang pulis dahil sa misconduct sa panahon ng anti-drug operations.

Tiniyak ng kalihim na habang nirerebisa ng kagawaran ang na-access na records ay mahigpit din nitong binabantayan ang preliminary investigation at prosekusyon ng 87 kasong kriminal na isinampa laban sa mga tauhan ng PNP.

Ang mga kaso ay nag-ugat sa hindi pagsunod ng mga pulis sa standard protocol sa mga operasyon.

Magugunita na Hunyo ng nakaraang taon itinatag ang Inter-Agency Review Panel na pinangunahan ng DOJ para pag-aralan ang mga kaso ng anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Sa kanyang ulat sa UN Human Security Council noong Pebrero, inihayag ni Guevarra na batay sa inisyal nilang review ay hindi nasunod ng mga pulis ang mga standard protocol sa mga operasyon.