Re-assessment sa vaccine allocations, hiniling

Hinimok ni Rizal Representative Fidel Nograles ang pamahalaan na pag-aralan muli ang estratehiya nito sa COVID-19 response partikular na sa alokasyon ng mga bakuna. 

Kasunod ito ng pagsang-ayon ng kongresista sa obserbasyon ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na mayroong “inequality” o hindi pantay na alokasyon ng mga bakuna.

Paliwanag ng kinatawan, kailangan ng re-evaluation at re-assessment ng vaccine rollout upang matiyak na walang napapabayaan o napagkakaitang mga lugar lalo na ngayong may surge sa kaso ng sakit sa ibang bahagi ng bansa.

Mayroon kasi aniyang mga lugar na bagama’t mataas ang COVID cases ay walang sapat na suplay ng COVID-19 vaccines.

Una nang nag-anunsyo ang distrito ng mambabatas na ititigil muna ang pagbabakuna ng first dose dahil ubos na ang suplay ng bakuna matapos unahin ang National Capital Region (NCR).