Quick response fund ng DA, pinapagamit ni Sen. Angara para masugpo ang African Swine Fever

Hinimok ni Senate Finance Committee Chair Senador Sonny Angara ang Department of Agriculture (DA) na gamitin na ang kanilang isang bilyong pisong Quick Response Fund para pigilan ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Ayon kay Angara, ang naturang pondo ay maaaring hugutin sa calamity fund ng ahensya para sa taong ito.

Giit ng senador, maituturing rin na kalamidad ang ASF, dahil matindi ang epekto nito sa hog industry na nakakapag-ambag ng hanggang 280 billion pesos sa ekonomiya ng ating bansa.

Dagdag pa ng senador, maaari ring pondohan ang isang anti-ASF program sa pamamagitan ng P20 billion peso National Disaster Risk Reduction and Management Fund, na nakapaloob sa 2020 General Appropriations Act (GAA).

Nitong Setyembre 10 lamang, binigyan ng DBM ang DA ng P82.5 million pesos para sa paglaban sa ASF.

Sa naturang halaga, P35M ang gagamitin para sa security screening measures, habang ang P28M naman ang gagamitin sa laboratory testing ng mga karne at iba pang meat products.

Sa huli, sinabi ni Angara na bukas ang Senado sa anumang suhestiyon ng DA para malabanan ang ASF.