QCPD, hiniling sa mga grupong magkikilos-protesta sa Commonwealth Ave. na lagyan ng identity ang kanilang marshals

Umapela ngayon ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga lider ng cause-oriented organization na tukuyin ang kanilang marshals sa kanilang kilos-protesta sa Lunes.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., na siya ding itinalagang Task Group Quezon Commander (TGQC), dapat pagsuutin ng identifying arm bands ang mga marshal para mapabilis ang koordinasyon sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) lalo na kapag may mga kaso ng hindi inaasahang pangyayari.

Apela din ni Esquivel sa mga mga grupo na panatilihing malinis ang lugar na pagdadausan ng rally tulad ng hindi pagtatapon ng basura sa paligid.

Hangga’t maaari, gawing maayos at tahimik ang demonstrasyon upang maiwasan ang anumang komprostasyon sa magkabilang panig.

Kabuuang 7,000 pulisya na ang idi-deploy sa buong rally sites hanggang sa Batasan Complex o para sa pangkalahatang security deployment ng Security Task Force Kapayapaan na binubuo ng 13 site subtask groups.

Nangako naman ang Commission on Human Rights (CHR) na magpapakalat sila ng human rights investigators at nakiusap din sa mga demonstrador at pulisya na gawing payapa at maayos ang aktibidad. | ulat ni Rey Ferrer