QCPD-CIDU patuloy na iniimbestigahan ang pagkakabaril sa anak ni PCSO Board Member Bong Suntay

Patuloy na iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) ang napaulat na pagkakabaril sa kanyang sarili ng anak ni dating Quezon City 4th District councilor at ngayo’y PCSO Board Member Atty. Jesus Manuel ‘Bong’ Suntay.

Sa spot report ng QCPD-CIDU, nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng hapon, kahapon sa bahay ng biktimang si Lorenzo Gabriel Suntay sa Mariposa Street sakop ng Barangay Bagong Lipunan ng Crame.

Sa salaysay sa pulisya ng kasambahay na si Emily Pepito, huli niyang nakita si Lorenzo Grabiel sa mga oras na iyon na naglilinis umano ng isang baril sa kanyang kwarto na nasa ikalawang palapag.

Aniya, muli niyang pinuntahan ang 20-anyos na Suntay nang magpatulong sana ang kapatid nito na si Jaime Suntay at saka nadiskubre sa palikuran ng kwarto na wala na itong buhay at may tama ng bala ng baril sa ulo.

Narekober ng SOCO sa lugar ang isang Perazzi USA shotgun at basyo ng bala.

Isinailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng nakababatang Suntay upang ma-determina kung aksidente o suicide ang pangyayari. | via Shane Juan