QC nakamit na ang 100% compliance sa clearing ops, Dept. of Transport and Management itatatag

Plano ng Quezon City Government na bumuo ng Department of Transport and Management na mangangasiwa sa Traffic Management sa Lungsod Quezon.

Layon nito, na mapanatili ang ginawang pagsisikap ng pamahalaang lokal sa pagsasaayos ng mga kalsada at bangketa sa anumang mga obstruction.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, magkakaroon na rin ng obligasyon ang mga barangay official na mapanatili ang maayos na kapaligiran at magpatupad ng clearing operations sa kanilang mga kalye at komunidad.

Una nang binuo ang QC Bayanihan sa Lansangan, na naging katuwang sa paglilinis ng mga kalye at paghahanap ng mga stall at market places para sa mga displaced vendor, pakikipag-usap sa mga private lot owner para sa posibleng parking areas, at pagtukoy pa ng maraming alternative routes para sa mga motorista.

Bago pa man natapos ang 60-day deadline ngayong araw na ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nakamit na ng city government ang 100% na compliance sa clearing operations.

Pero pagtiyak ng alkalde ng lungsod, na hindi natatapos ang clearing operations sa ibinigay na deadline ng DILG.

Magpapatuloy daw ito upang ganap nang maayos ang daloy at pagsisikip ng trapiko sa lungsod.