QC LGU, may guidelines na sa pamamahala ng mga namatay sa COVID-19

Naglatag na ng guidelines ang Pamahalaang Lokal ng Quezon City para sa mga national government-run hospital sa lungsod, para maging maayos ang koordinasyon ng pamamahala sa mga namatay sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, may 14 na national government run-hospitals sa lungsod, ilan ay itinalagang referral hospital ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19 cases.

Nakapaloob sa guidelines, na kailangang sundin ng mga hospital ang 12-hour period para sa cremation, alinsunod sa DOH guidelines.

Kailangan din nilang magtalaga ng point person, na siyang makikipag- ugnayan sa local government para matiyak na dumadaan sa tamang proseso ang ulat at referrals.

Ang point person na rin ang magbibigay ng vital information at mag proseso ng requirements, para sa unclaimed cadavers bago ang cremation o pagpapalibing ng city government.

Saka lamang umano idedetermina ng City Social Welfare and Development Department, kung ang mga labi ay ipapadala sa Baesa Crematorium kung indigent o sa funeral service providers na accredited ng city hall.

Dapat tiyakin din ng mga government hospital, na nakalagay sa morgue na may freezer ang mga cadaver, habang hinihintay ang schedule ng cremation.