QC LGU, nagbabala sa publiko sa natatanggap na emails at texts sa 2nd dose ng bakuna

Niliwanag ng kumpanyang SZconsult na taga pangasiwa sa online booking ng vaccination program ng Quezon City Government, na huwag pansinin ang natatanggap na email at text patungkol sa pagbibigay ng second dose ng bakuna kontra COVID-19.

Ang paglilinaw ng kumpanya ay ginawa sa harap ng kalituhan ng mga taga QC hinggil sa kung kailan talaga ang kanilang second dose, dahil nakakatanggap sila ng email message at text ng araw ng pagbabakuna.

Ayon sa SZconsult, nagkaroon sila ng technical glitch habang nagsasagawa ng critical update sa kanilang system ngayon, pero kung makakatanggap daw ang taga QC ng email at text hinggil sa araw ng pagpapabakuna ng second dose ay huwag daw itong susundin, bagkus ang sundin ang petsa at oras na makikita sa kanilang vaccination card. 

Nitong nagdaang linggo, ay mga nasa A4 priority list na ang binabakunahan ng lokal na pamahalaan kasama ang mga OFW at tricyclce drivers.

May humigit kumulang naman sa 200,000 ang kabuuang nabigyan ng first dose ng bakuna, at may mahigit 1,000 pa lamang ang inaasahang bibigyan ng second dose ng bakuna sa QC.