QC Gov’t, pinuri ang Korte Suprema sa pagpapatibay ng ‘Fair Market Values’ Ordinance ng lungsod

Nagpasalamat ang Quezon City government sa Kataas-taasang Hukuman sa pagtanggal nito sa Temporary Restraining Order (TRO) at pagbasura sa petisyon laban sa pagpapatupad ng ‘Fair Market Values’ Ordinance ng lungsod.

Ayon kay City Administrator Aldrin Cuña, na nagsalita para kay Mayor Herbert Bautista na nasa opisyal na misyon sa Germany, ang nasabing ordinansa ay sumunod sa ‘formal and substantive requisites.’

Ayon kay Cuña, tuloy na ang pagpapatupad ng pamahalaang lungsod ng pagtataas ng amilyar makalipas ang 15 working days mula sa araw na dinismis ang petisyon.

Hindi kinilala ng Korte Suprema ang petisyon ng Alliance of Quezon City Homeowners’ Association, Inc. laban sa pagpapatupad ng ordinansa dahil sa kakulangan ng ligal na kapasidad na magsampa ng kaso.

Nadiskubre rin na ang asosasyon ay hindi nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) simula pa taong 2004.

Bago isinabatas ang ordinansa, ang Fair Market Value ng ‘real property’ sa lungsod ay huling in-adjust noong 1995 kahit na ang Republic Act No. 7160,  o ang Local Government Code of 1991, ay nire-require ang adjustment tuwing kada tatlong taon. | ulat ni Ched Oliva