QC gov’t, bumuo ng task force para sa 5 major nat’l infra-projects sa QC

Bumuo ng Task Force si Quezon City Mayor Joy Belmonte para pangunahan ang pagpaplano at koordinasyon para sa limang infrastructure projects ng pamahalaan na nasa Quezon City kabilang ang Metro Manila Subway Project.

Personal na pangungunahan ng alkalde ang Task Force Build 5, na sasamahan pa ng stakeholders at Quezon City communications team.

Nais ng alkalde na matiyak ang maayos na pagpaplano at pagpapatupad sa mga proyekto at maibsan ang abala na maaaring idulot ng konstruksyon ng mga proyekto sa mamamayan.

Una nang nakipagpulong si Belmonte sa mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) at Japan International Cooperation Agency kaugnay sa Metro Manila Subway Project.

Bukod sa subway system project, apat na iba pang major infrastructure projects ang nasa Quezon City kabilang ang MRT 7, new Skyway, ang segment na 8.2 mula sa North Luzon Expressway hanggang C-6 at ang relocation site para sa 18,000 informal settler families.

Hiniling ng alkalde ang pang-unawa at kooperasyon ng lahat ng stakeholders upang matiyak na maayos at mabilis na matapos ang mga proyekto.

Naniniwala si Belmonte na mas lalo pang gaganda ang antas ng pamumuhay sa Lungsod Quezon kapag natapos na ang mga proyekto ng pamahalaan.