QC Council, hinihimok si Mayor Herbert na magbigay ng 14th month pay sa mga empleyado ng city hall

Nagpasa ng resolusyon ang Quezon City Council na iginigiit kay Mayor Herbert Bautista na maghanap ng paraan na mabigyan ng 14th month pay ang mga empleyado ng city hall bilang ‘Personnel Emergency Relief Allowance’ (PERA).

Ang City Resolution ‪7651-2018‬, na pinanukala ng mga Councilor na sila Allan Butch Francisco, Godofredo Liban II, Eric Medina, at Hero Bautista, ay layong magbigay ng subsidy bilang tulong para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa sa city government kasama na ang regular, contractual, at consultant employees.

Ang ‘Personnel Emergency Relief Allowance’ ay subject sa isang ‘automatic yearly adjustment’ na katumbas sa anumang pagtaas sa taunang inflation rate sa bansa, upang makatugon sa pangangailangan ng mga manggagawa sa gobyerno sa panahon na mataas ang presyo ng bilihin.

Ayon sa resolusyon noong 2016, ang Quezon City ay nakakolekta ng mahigit sa target na P17 billion, at noong isang taon ayon sa ulat ng state auditor, ang lungsod ay lumampas sa target na katumbas ng 12 percent mula sa P17.72 billion sa P18.370 billion o P650.313 million pesos.

Idineklara ng Commission on Audit (COA) ang lungsod bilang “biggest earner” sa National Capital Region na may P16.365 billion noong taong 2015.

Kaya ayon sa resolusyon, dahil sa mabuting pamamahala ng pananalapi ng lungsod, panahon na para isaalang-alang ang sweldo ng mga empleyado. | ulat ni Ched Oliva