Pulong ni PRRD sa mga dating presidente ukol sa WPS, di na kailangan sa ngayon

Posibleng hindi na pulungin pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga dating pangulo ng Pilipinas, kaugnay sa mga usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ideya kasi na pakikipag-usap sa mga dating Pangulo ay alternative sana sa pagko-convene ng National Security Council, lalo at ayon sa Pangulo sa mga pagkakataong naka-attend siya sa pulong na ito ay wala namang naresolba.

Ayon sa kalihim, dati nang ideya ng Pangulo ang pakikipag-usap sa mga dating presidente bago pa niya makausap si dating Senator Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Secretary Roque, satisfied naman ang Pangulo sa kinalabasan ng pag-uusap nila ng dating senator, lalo at una na rin namang sinabi ni Enrile na tama ang tinatahak na polisya ng pangulo sa usapin sa WPS.

Dahil dito, naniniwala ang kalihim na wala nang urgency pa, upang magkaroon ng pulong kasama ang NSC o mga dating pangulo ng bansa.