Pulong kasama ang vaccine czar para sa mega vaccination drive ng bansa, nais ng House Economic Recovery team

Nais makipagpulong ng House Economic Recovery team kay vaccine Czar Carlito Galvez Jr. hinggil sa ikinakasang mega vaccination drive ng Pilipinas.

Kasunod na rin ito ng paglagda ng bansa sa term sheet para sa 40 million doses ng Pfizer COVID-19 vaccine.

Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, nais ng mga mambabatas na alamin ang ilang detalye sa term sheet sa pagbili ng Pfizer vaccine upang mapaghandaan ang kinakailangang contingency plan.

Ang Pfizer vaccine kasi ang pinaka-sensitibong COVID-19 vaccine na mayroong 30-days na shelf life.

Dahil dito, kailangang ihanda ang lahat ng distrito sa handling at pag-administer ng naturang bakuna at tiyakin na mabilis itong mai-rollout upang hindi masayang.

Dahil naman sa malapit nang maabot ng US ang vaccine target nito, ay inaasahang mas luluwag na ang supply chain ng bakuna sa Hulyo.

“This is make-or-break for economic recovery, so the plans and time-and-motion studies have to be there. The simulations have to be ready. It’s a blessing that we are finally procuring a large bulk of vaccines. But we have to successfully get it into people’s arms. That’s also a monumental challenge that we have never done before in such a scale. The plans and contingencies have to be ready,” ani Salceda.