Pulis sa Jaro, Iloilo na nagtuturo ng Salita ng Diyos, pinuri ni Gen. Eleazar

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang isang pulis sa Jaro, Iloilo sa pagpapamalas ng mabuting gawain tulad ng Bible studies at community pantry sa harap ng kaniyang araw-araw na tungkulin.

Ayon kay Eleazar, bukod sa pagsasagawa ng Bible study sa mga detenado ng Jaro District, Iloilo City Police Station 3, namamahagi pa ng pagkain, at face shield sa mga mamamayan si Police Executive Master Seargent Cesar Pinuela.

Dagdag ng PNP chief, nagbabahay-bahay din si Pinuela sa mga kapatid na Muslim upang magpasalamat sa kanilang suporta sa kampanya ng lokal na pulisya kontra kriminalidad.

Sinabi ni Eleazar, “Ngayong panahon ng pandemya, mas kailangan ang mga pulis na gaya ni PEMS Pinuela na hindi nauubusan ng paraan para makapagtaguyod ng tulong sa kanyang kapwa.”

Hinimok naman ni Eleazar ang mga pulis na tularan ang ehemplo ni Pinuela, na isang alagad ng batas na maaaring lapitan at pagkatiwalaan ng mga mamamayan sa panahon ng pangangailangan.