Pulis na nangikil para mabasura ang kaso ng droga, huli sa entrapment operation ng CITF

Inaresto ng PNP-Counter Intelligence Task Force ang isang pulis na nangikil ng pera para maibasura ang kaso ng droga laban sa kanilang nahuling suspek.

Kinilala ni CITF Commander Senior Superintendent Chiquito Malayo ang arestadong pulis na si PO3 Ritchie Camporedondo Saquilabon ng Cebu City Police Office Station 1.

Si PO3 Saquilabon ay nahuli sa isang entrapment operation sa Cebu City na ikinasa ng CITF Special Task Group Visayas matapos nitong tanggapin ang 20,000 piso na marked money mula sa complainant.

Batay sa sumbong na nakarating sa CITF, ang complainant na kinilalang si Mr. Richie Y. Labus, 32 taong gulang, residente ng Banilad Cebu ay inaresto ng grupo ng PO3 Saquilabon dahil sa violation ng R.A 9165, o Dangerous Drugs Act of 2002.

Hiningan umano ni PO3 Saquilabong ang complainant ng 20,000 piso para hindi siya sampahan ng kaso ng mga pulis.

Si PO3 Saquilabong ay kakasuhan ng kaukulang administratibong kaso at kriminal na kasong robbery at extortion. | via Leo Sarne