Pulis na lider ng kidnap-for-ransom group, nagpadala na ng ‘surrender feelers’

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG) Director Chief Supt. Glenn Dumlao na nagpadala ng ‘surrender feeler’ ang pulis na lider ng kidnap-for-ransom group na si PO1 Michael Siervo.

Sa isang press conference sa Camp Crame kahapon, sinabi ni Dumlao na nakikipag-ugnayan na si Laguna Police Provincial Director Senior Supt. John Kirby Kraft ukol sa ‘surrender feeler’ ni Siervo.

Ayon kay Dumlao, halos puro mga kaklase ni Siervo na nagsanay sa pagpupulis noong 2010 ang mga miyembro ng kidnap-for-ransom group.

Dalawa aniya sa mga pulis na miyembro ng grupo ang kasalukuyang tinutugis pa. Si PO2 Jonathan Galang at si PO1 Ronald Carandang ay umalis ng bansa noong Hunyo 28 patungong Singapore pero na-monitor kamakailan na nasa Thailand.

Isa pang pulis na si P02 Gerald Bonifacio na kaklase din ni Siervo at miyembro rin ng sindikato ang pinatay naman ng grupo dahil nagka-onsehan sa pera.

Ayon pa kay Dumlao, bukod sa involvement sa kidnap-for-ransom activities, ang Siervo Criminal Group ay itinuturing din bilang ninja cops na nagri-recycle ng mga hinuhuling iligal na droga.

Aniya, ang mga sangkot na pulis sa Siervo Criminal Group ay naka-assign sa iba’t ibang police station pero kapag may operasyon ay nagsasama-sama ang mga ito.  | ulat ni Leo Sarne