Pulis na high value drug target, patay sa buy bust operation sa South Cotabato

Patay ang isang pulis na itinuturing na high value drug target sa buy bust operation sa Brgy. Magsaysay, Polomolok, South Cotabato kamakalawa ng hapon.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ni Police Regional Office 12 Director Csupt Eliseo Tam Rasco, ang napatay na pulis ay si PO2 Ernie Sagabay.

Ayon sa report, unang nagpaputok ang suspek nang makatunog ito na mga pulis ang kanyang katransaksiyon sa ikinasang drug buy bust operation ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng Philippine National Police (PNP) Region 12.

Matapos ang palitan ng putok, agad itinakbo ng mga operatiba ang napatumbang suspek sa Polomolok Municipal Hospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival.

Narekober sa kanya ang apat na sachet ng shabu at isang caliber 38.

Si PO2 Sagabay, ay nauna nang naaresto sa kasong illegal possession of firearm noong July 10, 2018 at nakalaya lamang ito sa bisa ng piyansa. | ulat ni Leo Sarne