Pulis at militar, naka-alerto sa paghihigante ng Abu Sayyaf group

Naka-alerto ang pulis at militar sa posibleng paghihiganti ng Abu Sayyaf group matapos na manutralisa ang apat nilang kasamahan sa law-enforcement operation kahapon ng madaling araw sa Jolo, Sulu.

Kabilang sa mga namatay sa pakikipaglaban sa mga awtoridad ang kapatid ni ASG bomb-maker Mundi Sawadjaan na si Al-Al Sawadjaan; ASG sub-leader Injam Yadah; isang ASG member na kilala lang sa pangalang Raup, at isa pang miyembro.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar, inilagay niya sa full alert ang mga pulis sa Sulu dahil inaasahang posibleng gumanti ang grupo ni Mundi Sawadjaan lalo pa’t kapatid niya ang nasawi.

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippine (AFP) Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Corleto Vinluan na handa ang militar sa anumang posibleng bwelta ng ASG.

Ayon kay Vinluan, ang pinakamahusay na depensa ay isang malakas ba opensiba kaya pinaigting nila ang pursuit operations sa grupo ni Mundi Sawadjaan.

Inamin naman ng heneral na mahirap hulihin si Mundi Sawadjaan dahil lagi itong unang tumatakbo sa labanan at iniiwan ang kanyang mga kasamahan sa kasagsagan ng bakbakan sa mga sundalo.