Pulis at 4 na nangongotong ng P800,000 sa trucks sa Apalit Pampanga, arestado

Naaresto ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ang isang pulis at apat na miyembro ng Truck Ban Traffic Management Office ng Apalit, Pampanga, dahil sa pangongotong.

Sa ulat ni IMEG Director Police Brigadier General Thomas Frias kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, nahuli ang mga suspek sa aktong pagtanggap ng pera mula sa isang truck driver na may kasamang undercover agent, kaninang umaga sa tapat ng Caltex Gas station sa panulukan ng Quezon Road Mc Arthur Highway, sa San Simon Exit, Apalit, Pampanga.

Kinilala ang mga arestado na sina Police Corporal Leomar Calegan, Marlon De Guzman, Menard Mendoza, Michael Maniulit, at Noel Manarang.

Nakuha sa mga suspek ang mahigit P800,000 cash, na pinaniniwalaang arawang koleksyon ng mga suspek mula sa mga truck driver na dumadaan sa lugar.

Ang mga suspek ay dinala sa IMEG-Luzon Field Unit, at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act; Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Government Employee; at robbery extortion.