Pujada Bay ng Mati City, Davao Oriental, hinirang na kabilang sa “Most Beautiful Bays in the World”  

Unanimous ang pagsang-ayon ng General Assembly of the Most Beautiful Bays in the World (MBBW) na hirangin ang Pujada Bay sa Mati City, Davao Oriental bilang Most Beautiful Bays in the World.

Matatandaang iprenisinta ng Davao Oriental delegation, na pinangunahan ni Gov. Nelson Dayanghirang ang application para sa Pujada Bay sa Toyama City, Toyama Prefecture, Japan nuong October 18.

Bunsod nito inaasahan na ang pagbisita sa probinsiya ng mga dalubhasa mula sa MBBW partikular sa Pujada Bay, Mati City, upang magsagawa ng ground assessment at validation.

Ayon kay Dayanghirang ang ground validation ay ang kauna-unahang opisyal na pagkilos ng MBBW upang personal na tingnan ang kagandahan ng lugar, bago pa ang induction sa susunod na taon sa gaganaping 16th World Congress sa Morocco.

Masaya namang tinanggap ni Dayanghirang ang positibong kaganapang ito, kasabay ng pagsasabing isa na naman itong tulay para maitaguyod ang Mati City at buong probinsiya ng Davao Oriental bilang world-class destination.

Binigyang-diin din ng opisyal, maliban sa inaasahang pagpapalakas sa potensyal ng eco-tourism ng lalawigan ay makakatulong din ito sa paglago ng kanilang ekonomiya, gayundin sa pagpapaigting ng kampanya ng mga residente na protektahan ang kagandahan at kayamanan ng lugar.