Publiko, walang dapat ipag-alala sa kalusugan ng Pangulo

Walang dapat na ipag-alala ang publiko kaugnay sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan kasi na sinabi ng Pangulo kahapon na mayroon siyang Myasthenia Gravis, isang rare autoimmune neuromuscular disease kung saan sinisira ng antibodies ang muscle receptors na maaaring magresulta ng pagbaba ng eyelids o panghihina.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi dapat mag-alala ang publiko dahil hindi naman ganoon kaseryoso ang karamdaman ng Pangulo.

Sa simula pa lamang naman aniya ay hindi na itinatago ni Pangulong Duterte kung mayroon man siyang nararamdaman.

Sinabi rin ng kalihim na kitang-kita naman kung gaano kalakas at kasigla ang Pangulo sa mga dinadaluhan nitong pagtitipon.

Sa katunayan, ganado pa itong magsalita tuwing nagtatalumpati at ito rin ang humihikayat sa media na magtanong pa tuwing mayroong press conference.