Publiko, pinayuhang magdoble ingat upang di mauwi ang COVID situation sa bansa tulad sa India

Nanawagan si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na magdoble ingat at sumunod lamang sa health protocols, upang hindi matulad ang COVID situation ng bansa sa nararanasan ngayon sa India, na marami ang tinatamaan ng sakit at mataas ang bilang ng mga namamatay.

Pakiusap ng kalihim, hanggat maaari ay iwasan pa rin ang mass gathering at religious activities.

Aniya, mas dapat tutukan ang pag iwas sa mga pagtitipon o kumpulan, at mas dapat na maghigpit lalo at maraming piyesta ngayong buwan ng May.

“Iyon ang ginagawa po natin na talagang doble ingat po tayo na dapat iyong mass gathering. Nakita kasi natin ito kasama po sa eleksiyon eh, nagkakaroon sila ng mass gatherings at saka religious gatherings, iyon po ang dapat nating tutulan.”—Secretary Galvez.

Ngayon lumalapit na aniya ang eleksyon, dapat ay mas maghigpit rin lahat sa pag obserba sa health protocols at social distancing measures.

Ito rin aniya ang dahilan, kung bakit importante na mayroong guidelines na ibababa ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay dito.

“Lalo na po ngayong May marami po tayong mga fiesta po ngayon talagang dapat maghigpit po tayo at the same time nakita natin coming na rin iyong election natin this coming 2022, kailangan doble higpit po tayo at magkaroon po tayo ng tinatawag na guidelines from Comelec.” —Secretary Galvez.

Ayon kay Secretary Galvez, nakita naman ng lahat ang karanasan ng India kung saan nagkaroon ng mga pangangampanya, naitala rin ang pagdoble ng mutations ng virus doon, at ito mismo ang dapat na paghandaan ng bansa.

“So nakita natin iyong experience ng US noong nagkaroon sila ng election at the same time  ngayon ongoing iyong campaigning ng India, nakita natin nag-doble ang kanilang mutations and with that I think, we have to prepare  for that.” —Secretary Galvez.