Publiko, hinikayat na suportahan ang promosyon ng ‘faith-based tourism’ ngayong Holy Week

Isang linggo bago ang Semana Santa, hinikayat ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang publiko na bisitahin ang mga tinatawag na ‘faith-based tourism destinations’ sa bansa at makiisa sa Lenten activities ng mga rehiyon.

Ang hakbang na ito ayon kay Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo ay bilang pag-suporta na rin sa pilot project ng ahensya ngayong taon hinggil sa faith tourism kung saan highlight ang iba’t ibang aktibidad at tradisyon ng mg Pilipino sa pamamagitan ng isang ‘holistic pilgrimage.’

Paliwanag pa ng kalihim na ang Pilipinas bilang isang Catholic country sa Asya ang nag-udyok sa kanya na maglabas ng marching order para palakasin pa ang promosyon ng mga lugar na maaaring bisitahin tuwing Holy Week.

Kabilang aniya sa mga makasaysayang simbahan na maaaring mag-Visita Iglesia ay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Cagayan Valley na pasok sa listahan ng mga recommended faith destinations sa Region 1.

Ayon pa kay Teo, para naman sa mga kababayan na magtutungo sa labas ng Luzon ay maaaring ikonsidera ang daang taong tradisyon sa Marinduque na Moriones Festival at iba pang unique Holy Week experience sa Bacolod City, Talisay City, Iloilo at Guimaras gayundin ang mga lumang simbahan na pwedeng bisitahin sa Misamis, Lanao, Bukidnon, Camiguin at Northern Mindanao.

Samantala, para naman sa mga Katolikong iiwas sa exodus ng mga biyahero sa Semana Santa at mananatili lamang sa Metro Manila ay inaanyayahan ang mga ito na mag-Visita Iglesia sa Intramuros sa Maynila kung saan ay marami ring lumang simbahan at may inihandang aktibidad kaugnay ng Holy Week. | via Shane Juan

Photo courtesy: DOT