Publiko, binalaan vs Tribal Coalition of Mindanao

Mahigpit na binalaan ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP XI, ang publiko laban sa mga aktibidad na ginagawa ng Tribal Coalition of Mindanao o TRICOM, Inc.

Nilinaw ni Regional Director Geroncio Aguio ng NCIP, na ang TRICOM Inc., ay isang non-government organization at hindi kinikilala ng NCIP, gayundin ng Indigenous Political Structure of the Indigenous Cultural Communities IPS-ICC ng Region XI.

Aniya, anumang aktibidad o transaksyon ng grupo ay walang kinalaman ang kanilang tanggapan.

Bagama’t wala pang paglabag na naitala ang NCIP Davao sa nasabing grupo, ang paalala aniya ng tanggapan ay tugon sa reklamo ng IPS-ICC Monkayo, Compostela Valley Province laban sa TRICOM.

Ilan sa mga iligal na ginagawa umano ng TRICOM ay ang pag-seselyo ng titulo ng lupa, at pagbibigay umano ng proyekto.

Kaya paalala ng ahensiya sa publiko na huwag makipagtransaksyon sa TRICOM, Inc., at magdoble ingat sa pakikipag-ugnayan sa grupo, gayundin sa kanilang kinatawan.