PRRD, tatanungin ang Kongreso sa umano’y P35-B ‘pork barrel’ na kabilang sa proposed 2020 nat’l budget

Lilinawin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang napaulat na inclusion ng P35 billion pesos na ‘pork barrel’ funds sa proposed P4.1 trillion pesos na 2020 national budget.

Kung matatandaan kasi, lumutang ang balita na P35 billion pesos na ‘pork barrel’ funds ang kasama sa pambansang pondo para sa susunod na taon, kung saan P100 milyong piso ang inilaan para sa bawat kongresista habang P200 milyong piso naman ang nakalaan kada senador.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya alam ang tungkol dito at kapag nagpulong ang liaison ng Kongreso at ang executive department ay pababanggitin niya ito.

Aalamin ng Pangulo ang nature at dimension ng naturang pondo o kung para ba ito sa maintenance at gastusin ng mga committee hearings.

Magtatanong raw ang Pangulo lalo’t sa kasalukuyan, nasa stage pa lamang sila ng paghahanda sa pambansang pondo.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ibi-beripika pa ang ulat na ito, kasabay ng paggiit na ayaw ng Pangulo ang ‘pork’ insertion sa national budget.