Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ganap na implementasyon ng Family Planning program sa bansa.
Ito ang pahayag ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa ika-31 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa Department of Agrarian Reform (DAR) Office sa Quezon City.

Ayon sa Pangulo, sa kanyang mga pagbisita sa mga magsasaka sa Davao kasama ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte, nabatid nitong marami sa mga magsasaka ay nasa anim hanggang pito ang anak.
Sinabi ng Pangulo, sa ganitong sitwasyon, kahit anong pagsisikap na makaahon sa hirap ay hindi magagawa dahil sa dami ng kanilang mga anak.
Ito aniya ang isa sa mga dahilan kaya suportado nito ang ganap na implementasyon ng family planning program.

Sinabi pa ng Pangulo, na tanging sila lamang ni dating Pangulong Fidel Ramos ang malakas ang loob na magsulong sa family planning kahit pa kinokontra ito ng ibang relihiyon.

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Pangulong Duterte, na mananatili ang kanyang posisyong huwag payagan ang aborsyon.
Matatandaan na ring binanatan ng Pangulo ang Iceland dahil sa polisiya nito sa aborsyon.