PRRD, subsob sa pagpirma ng santambak na papeles

Santambak na paperwork ang inaatupag sa kasalukuyan ng Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t halos isang linggo nang hindi ito nakikita ng publiko.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, naipon ang mga dokumentong dapat na lagdaan ng Presidente kaya’t wala halos itong public engagement ngayong linggong ito.

Sinabi ni Panelo na sadyang kumakain ng mahabang oras ang paglagda ng Pangulo sa napakaraming papeles gayung iniisa-isa aniya nitong basahin ang mga dokumento na nasa kanyang mesa bago ito pirmahan.

Ito aniya ang dahilan kung kaya’t hindi napagkikikita ang Pangulo nitong mga nakalipas na araw.

Ganunpaman, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na abala din naman ang Chief Executive sa iba pang mga aktibidad gaya ng private meetings, courtesy call at iba pang engagement.