PRRD sa Gilas: Gawin ang lahat ng makakaya para manalo

Gawin ang lahat ng makakaya para manalo.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa team Gilas Pilipinas, kaugnay ng kanilang laban sa koponan ng Italy sa darating na Sabado, Agosto 31.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, dapat magsilbing hamon sa Gilas ang una ng pahayag ng Presidente na matatalo ng Italy ang ating koponan.

Magsilbi rin aniyang inspirasyon ang nakatakdang panonood ng Presidente sa laban ng Gilas Pilipinas, at mula duoy patunayang mali ang una ng naging forecast ng Pangulong Duterte, na yuyuko ang ating basketball team sa team ng Italy.

Naniniwala naman si Panelo, na malaki ang magagawa ng presensya ng Pangulo sa nakatakdang laro ng Gilas upang magwagi sa makakalabang team sa darating na Sabado.