PRRD, pinulong ang Gabinete sa Jordan tungkol kay Trillanes

Sa pulong kagabi ng mga Gabinete kasama ng Pangulong Duterte ay napag-usapan kung ano ang dapat na maging posisyon sa pag-revoke sa amnesty kay Trillanes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa Intercontinental Hotel sa Jordan na hihintayin ng Pangulo ang desisyon ng RTC tungkol dito.

Ang pinaka-ebidensya nito ayon pa kay Roque ay kung natanngap na nila ang amnesty application na hanggang ngayon ay hindi maipakita. Dapat aniya ay maipakita ang original document na ito.

Ang reaksiyon naman ni Roque sa umano’y may active military personnel na nagpapahayag ng pagsuporta kay Trillanes, guni-guni lang daw ng senador iyon.

Muli ay naungkat ni Roque ang naging pagpunta ni Trillanes kay Pangulong Duterte para mag-apply bilang maging bise noon ni Mayor Duterte na tinanggihan ng Pangulo. Ito marahil, ayon kay roque, ang hugot ng galit ng senador kay Pangulong Duterte.

Samantala, tinawag naman na nakakahiya ni Roque ang paring nagdasal na sana ay magkasakit ang Pangulo. Payo ni Roque sa pari, umalis na sa pagka-pari.

Muli ay inulit ni Roque na hihintayin ng Pangulo ang desisyon ng civilian court. Kung tutuusin ay pwede nang maaresto si Trillanes sa pamamagitan ng military court pero ayaw ng Pangulong gawin ito.

Simple lamang daw para matapos na ang isyu sa usapin ng Proclamation 572, ipakita ang duly received copy of amnesty application at di naman nya aniya kailangang magtago sa Senado dahil wala naman na iiisyu pang warrant of arrest laban sa kanya, ayon kay Roque.