PRRD, pakikinggan ang DND sa hiling na ma-exempt sa ‘di pagtanggap ng loans

Handang makinig si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ilalatag na dahilan  ni  Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa exemption na hinihingi nila, sa harap ng  pasiya ng Chief Executive na huwag ng tumanggap ng loan and grants sa mga bansang sumuporta sa resolusyon ng Iceland na isinumite sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).

Sa gitna na rin ito ng hirit ng kalihim, na sana’y huwag nang isama ang kanyang departamento sa mga hindi na dapat  pang makinabang sa loans at grants mula sa ibang bansa, gaya ng  Australia dahil baka maapektuhan aniya ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, makatuwirang tao ang Pangulong Duterte at kung sakaling mabigyang bigat ni Lorenzana sa kanilang pag-uusap ng Commander in Chief ang usapin sa  national security ay baka sakaling ikunsidera ito ng Presidente.

Pero pagbibigay diin ni Panelo, iyon ay baka sakali lang dahil mas maigi pa ring hintayin ang punto de vista ng Pangulo sa kanyang naging pasiyang ihinto ang pagtanggap ng grant sa mga bansang umayon sa resolusyon ng Iceland.

Daraan aniya sa evaluation ng Presidente ang anomang rekomendasyon na ipipresinta sa kanya ni Secretary Lorenzana.