PRRD, nakatutok sa usad ng ginagawang imbestigasyon sa Senado habang nasa Russia

Naka-monitor si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga itinatakbo ng pangyayari kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon tungkol sa Ninja cops.

Ito ang tiniyak ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo sa harap ng aniya’y pagiging abala ng Punong Ehekutibo sa kanyang mga commitment sa Russia.

Sabi ni Panelo na hindi nagbabago ang posisyon ng Presidente laban sa mga nasasangkot sa laro ng iligal na droga at titiyakin nitong pagbabayaran nila sa impyerno ang ganitong uri ng krimen.

Wala aniyang sisinuhin dito ang Presidente kahit ang tamaan pa ay mga taga-gobyerno basta’t dawit sa pagkakalat ng ipinagbabawal na gamot.

Patuloy aniyang nakamasid ang Pangulo sa itinatakbo ng imbestigasyon sa Senado bago gumawa ng pormal na hakbang sa mga isinasangkot sa usapin ng ‘ninja cops’.