PRRD, muling nagpahayag ng pagkadismaya sa Red Tape

Hindi napigilan ng Pangulong Rodrigo Duterte na umalis sa gitna ng Cabinet meeting noong Miyerkules ng gabi.  Ito, ayon sa Pangulo, ay matapos niyang mabatid ang bagal ng proseso sa gobyerno.

Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng mga newly appointeed officials ng administrasyon, binanggit nito ang nadiskubre niya, na mayroong mga aplikasyon sa National Economic Development Authority (NEDA) ang 25 taon nang naka-pending.  Mayroon rin aniyang aplikasyon sa Land Use Conversion ang inabot pa ng dalawang taon.

Hindi lang aniya ang mga naglalakad ng aplikasyon na ito ang nagdurusa sa bagal at pabalik-balik na proseso, kundi maging ang gobyerno.

Sa nangyaring Cabinet meeting, ayon sa Pangulo, may iprinisinta sa kaniyang paraan upang pabilisin ang proseso, ngunit kung ganito aniya ang “red tape” sa bansa, aabutin pa ng dalawang Presidente bago maipatupad ito.

Bakit aniya siya magsasayang ng oras sa isang bagay na hindi naman maipatutupad sa kaniyang termino.

Inihayag rin ng Pangulo ang pagkadismaya, na ang mismong sistema ng gobyerno ay tila nakadisensyo upang mabigo ang pamahalaan.  | ulat ni Racquel Bayan