PRRD, handang komprontahin si Sen. Poe sa pagtutol na bigyan ng emergency powers ang Pangulo

Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na personal na komprontahin si Senator Grace Poe at doon ay ibulalas ang emosyon nito kontra sa babaeng mambabatas.

Kaugnay ito ng pagharang ni Poe sa mungkahing mabigyan ng emergency powers ang Presidente upang masolusyonan ang grabeng trapik sa EDSA dahil sa dudang baka pagmulan lang ito ng korupsiyon.

Sabi ng Pangulong Duterte, harapang ibubuga at ipamumukha niya mismo sa harap ng Senadora ang gusto niyang sabihin laban dito.

Kabilang dito ang aniya’y tingin ni Poe sa kanyang sarili na siya na lang ang tanging indibidwal sa buong mundo na may natitirang integridad at katapatan.

Muli ay binigyang diin ng Chief Executive na wala na siyang interes sa posibilidad na mabigyan pa siya ng emergency powers para hindi na rin aniya siya mapaghinalaan pa na kukurakutin lang ang pera ng bayan, gaya ng nais aniyang palabasin ng mambabatas.