PRRD, hahanapan ng lugar ang Orthodox missionaries sa Russia para makapagtatag ng kanilang simbahan sa PH

Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag- imbita ng Orthodox missionaries mula sa Russia at makabisita sa Pilipinas.

Ang pahayag ay ginawa ng Chief Executive sa naging pagharap nito sa Valdai Forum kung saan ay tumanggap ng mga katanungan ang Pangulo mula sa mga participants ng nasabing event.

Ayon sa Punong Ehekutibo, gagawin niya ang pag-iimbita para na rin mahanapan ng lugar ang mga misyonaryong Ruso kung saan maaari nilang maitatag ang kanilang Orthodox church sa bansa.

Mayrun naman aniyang naitayong Orthodox Church sa Pilipinas ang Russia pero ito’y noon pang 1922 at ngayo’y wasak na.

Ang Orthodox Catholic Church ang pangalawa sa pinakamalaking Christian church sa buong mundo.

Sinasabing nasa Russia ang kalahati ng Eastern Orthodox Christian na walang doctrinal o governmental authority sa mga obispo sa Roma.