PRRD, di nakonsulta bago bumoto ang Pilipinas pabor sa imbestigasyon ng posibleng paglabag sa humanitarian law sa Gaza conflict

Hindi sang ayon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa naging boto ng Pilipinas pabor sa imbestigasyon ng United Nations (UN), sa mga posibleng paglabag sa humanitarian law sa naganap na kaguluhan sa Gaza, kung saan nagsagawa ng airstrike ang Israel, bilang tugon sa pagla-launch ng rocket ng Palestinian militants.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, makaraang sabihin kahapon ng pangulo na hindi siya nakonsulta sa usaping ito.

Ayon kay Secretary Roque, kadalasan naman ay hinahayaan talaga ng pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA), na magdesisyon sa mga usapin sa labas ng bansa.

Gayunpaman, sa partikular na boto aniya na ito, nagpahayag ang pangulo ng kanyang concern sa mekanismo at proseso, na nagresulta sa boto ng Pilipinas sa UN Human Rights Council.

Bagamat hindi na maaaring bawiin ang naging boto ng Pilipinas, titiyakin aniya ni Pangulong Duterte, na magkakaroon ng mechanism sa mga pagkakataon na kailangan bumoto ng bansa sa crucial issues, at kailangan konsultahin ang chief architect ng foreign policy ng bansa.

Nagbaba na aniya ng angkop na guidelines para sa senior government officials, upang tiyakin na ang interest ng Pilipinas ay mapuprotektahan at maisusulong sa mga multilateral forum.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim, na pinahahalagahan at ipagpapatuloy ng Pilipinas ang magandang relasyon nito sa Israel, at sa iba pang partners ng bansa sa international community, upang isulong ang mga common objective at layunin ng mga bansa.