Prov’l Veterinary Office, ipinagbawal muna ang pagpasok ng processed meat sa Batanes

Dahil sa isyu ng African Swine Fever (ASF) na nakakaapekto sa ilang lugar sa Pilipinas, pansamantalang ipinagbabawal ng Provincial Veterinary Office ng Batanes ang pag-angkat at pagpasok nang anumang karne ng baboy sa probinsya.

Bagama’t wala pa namang kaso ng ASF sa Batanes, layunin ng kanilang pagbabawal pansamantala sa pagpasok ng anumang processed pork meat sa probinsya na mapanatiling ligtas sa ASF ang lugar.

Pinaalalahanan lahat ng mga nagtitinda sa Batanes ng mga prosesong karne ng baboy na huwag munang mag-angkat pansamantala.

Binabantayan ngayon ang mga pantalan at paliparan, upang walang makakapasok na karne ng baboy.

Noong Biyernes, sa pagdating ng barko mula sa Maynila ay siniguro ng Provincial Veterinary Office katuwang ang Health Department at iba pangĀ  ahensya na walang makalulusot.

May ilang tocino, longganisa at ham ang kanilang kinumpiska at ibinaon sa lupa upang masiguro na hindi makakapasok sa Batanes ang ASF.

Magsasagawa naman ng pulong ang lokal na pamahalaan ngayong araw upang pag-usapan ang susunod na hakbang upang mapaghandaan ang posibleng epekto nito sa probinsya.