Provisional franchise para sa ABS-CBN, inaasahang maipapasa agad

Itinuturing na welcome development ng mga senador ang hakbang ng Kamara na aprubahan ang panukalang batas na magbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang October 2020.

Ayon kay Senador Manny Pacquiao, sa pamamagitan ng pagbibigay ng limang buwang provisional franchise sa naturang network ay magkakaroon ang pamunuan nito ng sapat na panahon upang ayusin kung anumang problema ang mayroon sa kanilang prangkisa.

Patunay rin aniya ang hakbang na ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano na walang kinalaman ang Malakanyang sa nangyari sa network.

Umaasa naman si Senador Sonny Angara na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay makakapagsimula na ang Senado ng committee hearings tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na aaksyon agad ang Senado upang makapagpasa ng katulad na panukala.

Aniya, dahil naipasa na ng kamara sa 2nd reading ang panukalang ito at may schedule na ng pagpapasa sa 3rd reading sa susunod na linggo, maaari na silang mag-schedule ng committee hearing sa Senado sa susunod na linggo.

Umaasa rin si Zubiri na ma-sponsor sa floor ang panukala sa Miyerkules ng susunod na linggo o sa May 20 bago sila mag-convene bilang committee of the whole para talakayin naman ang updates sa COVID-19 response.

Gagawin aniya nila ang lahat upang maihabol sa ratipikasyon ang panukala bago ang June 3 break ng Kongreso.

Kumpiyansa rin si Senate Minority Leader Franklin Drilon na maipapasa ang Provisional Franchise Bill bago ang break nila sa Hunyo.