Province-wide coastal clean-up sa Batanes, isasagawa

Naglabas ng imbitasyon ang pamahalaang lokal ng Batanes upang magsagawa ng province-wide coastal clean-up na gaganapin bukas, August 23 mula alas-5 hanggang alas-6 ng umaga.

Ito ay gaganapin sa pangunguna ng Provincial Government of Batanes at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan at mga private organization.

Bago pa man maging isang ganap na bagyo ang Typhoon Hanna noong unang linggo ng Agosto, ay nagsimula nang maranasan ang habagat sa probinsiya dala ang malalakas na ulan at hangin.

Nagdala rin ito ng malalakas na alon, dahilan para mapadpad ang sandamakmak na basura mula sa Dagat Pasipiko, sa mga dalampasigan sa probinsiya.

Mula unang linggo ng Agosto hanggang kamakalawa ay tuloy-tuloy na naranasan ang habagat, dahilan para maipon ang mga basura sa dalampasigan sa iba’t ibang panig ng Batanes.

Nagkalat ang mga naputol na kahoy, niyog at iba’t ibang uri ng plastik na basura katulad ng mga plastic bottle.