Proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa, binigyang-diin ni Sen. Legarda ngayong Labor Day

Sa pagdiriwang ngayon ng Labor Day, binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda ang pangangailangan para sa mas pinag-ibayong proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Para kay Legarda, ang pagdiriwang ng Labor Day ay isang pagkilala sa mahalagang gampanin ng ating mga manggagawa, partikular na ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya at sa panlahatang kaunlaran ng bansa.

Aniya, ang ating bayan ay hindi umano aandar kapag wala ang ating mga manggagawa, kung kaya’t, tungkulin ng gobyerno na tugunan ang kanilang mga alalahanin at protektahan ang kanilang mga karapatan.

Diin ng senadora, chairperson ng Senate Foreign Relations at ng Committee on Finance, na sa ating pinapasok na mga kasunduang pangkalakalan at ng ibang bansa, at ang pagpapadala natin ng ating mga manggagawa patungong ibayong dagat, mahalagang siguruhin ng gobyerno na ang karapatan ng ating mga OFWs ay ang nasa sentro ng mga inisyatibong ito.

Kailangan din masiguro na ang ating mga mithiing pang-ekonomiya ay para rin sa pakinabang ng ating mga manggagawa.

Sinabi ni Legarda na may moral at legal obligation ang gobyerno na idepensa ang mga karapatan ng bawat manggagawang Pilipino at siguruhin na disenteng trabaho ang naibibigay sa mga Pilipino, kabilang na ang tamang pasuweldo, benepisyo at mabuting kondisyon ng pagtatrabaho. | via Jojo Ismael