Proteksiyon ng pamahalaang Singapore sa mga manggagawang Pinoy at dayuhan, mataas ayon sa embahada

Bihirang-bihira na ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Singapore, partikular na ang mga nagta trabaho bilang domestic workers.

Sinabi ni Philippine Ambassador to Singapore Joseph del Mar Yap, napakabilis ng aksiyon ng pamahalaang Singapore sa anumang sumbong ng pang-aabuso o pananakit sa mga OFW service providers.

Kagaya na lang halimbawa, nang naitalang pananakit ng isang employer ngayong taon kontra sa kanyang non-Pinoy domestic helper.

Ayon kay Yap, nakulong ang among nanakit sa kanyang kasambahay na hindi naman Pinoy, kaya’t masasabing kung proteksiyon lang din ang pag-uusapan, garantisadong mataas ang proteksiyon ng Singaporean government sa mga manggagawa.

Sa ngayon ayon kay Ambassador Yap, 60 porsiyento ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Singapore ay pawang mga professional at skilled worker. | ulat ni Alvin Baltazar