Proseso ng validation sa SAP, saka na lang gawin kapag naipamahagi na — IATF

Nagkaroon ng pag-amiyenda sa ginagawang pamamahagi ng benepisyo sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa virtual presser ni Inter-Agency Task Force (IATF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, inanunsiyo nito na gagawin na lang ang validation kapag naibigay na ang cash subsidy sa ilalim ng SAP.

Ang hakbang ani Nograles ay ginawa sa layuning mapabilis ang pagbigay ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 ayuda sa mga pamilyang nangangailangan.

Dahil dito sinabi ni Nograles na wala nang dahilan pa ang mga LGU na ma-delay ang pamamahagi ng naturang financial assistance.

Binigyang-diin ni Nograles na sa sandaling maibigay na ng DSWD ang budget sa LGU, kailangan sa loob ng beinte-kuwatro-oras ay maipamahagi na ito sa mga eligible recepients.