Proseso ng pag-aangkat ng bigas, dapat luwagan muna 

Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda ang pamahalaan na luwagan muna ang proseso sa pag-aangkat ng bigas sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Bukod dito maigi rin aniyang i-consolidate ang mga small import orders sa pamamagitan ng Philippine International Trading Corporation.

Ayon kay Salceda, mahalaga ang nasabing hakbang dahil sa kawalan ng katiyakan na makakapag-angkat ng bigas ang Pilipinas mula sa Vietnam at Thailand.

Kung matatandaan, binabaan ng Thailand ang kanilang exports sa eight million metric tons mula sa dating 10 million metric tons dahil sa tagtuyot habang pansamantalang ipinagbawal ng Vietnam, na siyang pinakamalaking exporter ng bigas, ang pag-export ng bigas para matiyak ang kanilang domestic supply.

Pinatitiyak rin ng mambabatas sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry (DTI) na hindi magkaroon nang aberya sa movement ng rice supply, gayundin ang iba pang materyales at kagamitan na kakailanganin sa rice production.

Ito ay matapos na harangin aniya kamakailan sa quarantine checkpoints ang ilang trucks na magde-deliver sana ng bigas sa warehouse ng National Food Authrotiy (NFA) sa Malolos, Bulacan.

Mungkahi ni Salceda, bigyan ng permits para magamit sa Enhanced Community Quarantine ang mga nagtatrabaho sa rice supply chains tulad ng mga magsasaka at nagde-deliver ng bigas sa mga warehouses.