Proposed BBL, aprubado na sa committee level ng Kamara 

Lusot na sa committee level ng Kamara ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), na pinamamadali ni Pangulong Duterte sa kongreso.

Inaprubahan ang proposed BBL sa pamamagitan ng isang executive session ng House Committees on Local Government, Muslim Affairs at ng special panel on peace reconciliation and unity.

Sa botong 2-1, nagdesisyon ang mayorya ng panel na katigan ang mosyon ni House Deputy Speaker Bai Sandra Sema, na i-adopt ang House bill 6475 o ang panukalang inihain ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ito rin mismo ang bersyon ng BBL, na ginamit ng Bangsamoro Transition Commission upang isumite kay Pangulong Duterte.

Kabilang sa itinutulak ng panukala ang pananatili ng kapangyarihan at kontrol ng central government sa defense at external security, kahit na magkaroon pa ng isang hiwalay na bangsamoro government.

Muli namang ipagpapatuloy ng joint panel ang pagdinig nito sa BBL sa pagbabalik sesyon ng Kamara, sa May 15. | via Merry Ann Bastasa