Proposal na pagtatayo ng Makati-BGC monorail, aprubado na ng DOTr ayon sa Malacañang

Ibinida ng Malacañang ang pagkakaapruba ng Department of Transportation (DOTr) sa Makati-BGC Skytrain Project.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, isa ito sa mga bunga ng ‘Build, Build, Build’ program ng adminstrasyong Duterte.

Sa ilalim ng naturang proyekto ay magtatayo ng dalawang kilometrong monorail mula MRT Guadalupe Station sa Makati hanggang Fort Bonifacio sa Taguig city.

Sa tulong nito ay makukonekta na ang central business districts ng dalawang lungsod.

Dagdag pa ni Roque, inaasahang aabot sa animnapung libong mga pasahero ang makikinabang sa proyektong ito na sisimulan ngayong taon at target makumpleto sa taong 2021.

Sa ngayon ay nakatakda nang isumite ng DOTr sa ICC NEDA ang inaprubahang proposal ng transportation department. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion