Promosyon ni NCRPO Director Eleazar sa ranggong 2-star general, inendorso ng NAPOLCOM sa Pangulo

Inaprubahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-promote si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa ranggong police director.

Ang ranggong police director ay katumbas ng ranggong 2-star general sa militar.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rogelio Casurao, ang pag-apruba ng NAPOLCOM ay base sa rekomendasyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde kung saan nakasaad na nakumpleto na ni Eleazar ang lahat ng requirements para sa promosyon.

Nilagdaan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang rekomendasyon sa Pangulo noong Hulyo 23 at pormal nang isinumite sa tanggapan ng Pangulo sa Malacañang.

Si Eleazar ay mula sa Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987.

Bago siya itinalagang NCRPO director, nanungkulan si Eleazar ng dalawang buwan bilang director ng PRO4-A o Calabarzon, pagkatapos ng kanyang panunugkulan bilang Quezon City Police District (QCPD) Director. | ulat ni Leo Sarne