Programa para sa No to Tobacco World Day, kasado na

Muling bubuhayin ng ibat-ibang grupo ang matagal ng panawagan na tuldukan ang paninigarilyo sa lahat ng panig ng bansa. 

Kasabay ito ng paggunita sa No to Tobacco World Day sa Lunes, Mayo 31.
Pangungunahan ng Social Watch Philippines o SWP ang programa na may temang Commit to Quit: Nagkakaisang Pilipino para sa NO Yosi.

Ayon sa grupo, ang sigarilyo ay lason sa katawan ng tao na maraming sakit ang dulot iyo laluna sa panahon ng COVID-19 pandemya kung saan higit na pinalala ng sigarilyo at adiksyon nito ang tama ng virus sa katawan at kalusugan. 

Mamamatay umano sa paninigarilyo ang isang gumagamit nito na walang kaakibat na responsibilidad ang industrya ng tabako na nagbebenta nito.

Ayon kay Ka Ernesto Ofracio, pangulo ng Aktibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan (AKTIB), nilalason ng sigarilyo ang kapaligiran partikular na ang lupa, dagat, hangin, at ang  mga komunidad at pamahayanan. 

Sa darating na Mayo 31, buong araw ang ihinandang programa na pinagtulungang i-organisa ng Department of Health (DoH), Department of Education (DepEd), at iba pang ahensya ng pamahalaan, katuwang ang iba’t ibang barangay, civil society organizations at peoples’ organization sa ilalim ng Philippine Smoke-Free Movement (PSFM).

Nagbalangkas ng programa ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), AKTIB, PUP SPEAK, Sustainable Development Network Solutions (SDSN-Youth), ImagineLaw, at iba pa para linawin ang konsepto ng smoke-free at ang masamang epekto ng sigarilyo at iba pang produktong tabako sa  kalusugan at kapaligiran.

Ang PSFM ay kilusan ng mamamayan na pinangangasiwaan ng SWP upang itaguyod ang mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order 26 na nilagdaan ni Pangulong Duterte o ang pagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar at sasakyan, at isabatas ang Smoke-Free Act sa lalung madaling panahon. 

Bilang paghahanda, ang SWP at AKTIB ay kasalukuyang nag-iikot sa iba’t ibang barangay at komunidad upang hikayatin ang mamamayan na itigil ang paninigarilyo at proteksyunan ang mga kabataan at pamayanan, nagtatayo ng mga smoke-free homes, smoke-free communities, at smoke-free barangays.

Ang lahat ay inaanyayahang lumahok sa May 31 World No Tobacco Day kung saan mapapanood ang selebrasyon na ito sa DOH, DepEd, at PSFM FaceBook Live.