Problema sa iligal na droga, mananatili hanggang sa susunod na 10 taon — Pangulong Duterte

“Mananatili ang problema sa iligal na droga hanggang sa susunod na sampung taon.”

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging talumpati nito kagabi sa Palasyo sa harap ng mga opisyales ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Paliwanag ng Presidente, malaki ang kinalaman ng pera upang hindi tuluyang mapuksa ang problema tungkol sa ipinagbabawal na gamot sa susunod na isang dekada.

Ayon sa Chief Executive, maging ang Estados Unidos ay hindi makakaahon sa suliranin na ito at ito aniya’y pinatotohanan pa ng mga dokumentaryo.

Sa harap nito’y tiniyak ng Pangulo na hindi niya tatantanan ang pagtugis sa mga nasa illegal drug trade na ang tumbok ng kampanya ay hindi lang ang mga nasa street level kundi pati na ang mga tinaguriang bigtime drug lords.

Sa mga nagdaang talumpati ng Pangulo, matatandaang sinabi nitong hindi kakayanin ng kanyang termino na wakasan ang problema sa droga at nangangailangan aniya na ituloy ng kanyang successor ang kampanya dahil sadyang hindi kakayanin overnight ang pagsugpo dito. | via Alvin Baltazar